Sana nailunsad ang Magna Kultura Foundation bago pa man ako nakaalis ng Pilipinas, dahil masaya makiisa sa kanilang mga proyektong may pagkalahatang mithiin na itaguyod ang sining at kultura ng ating bayan. Hindi ko alam kung sino ang nag-imbita sa akin sa kanilang grupo dito sa Multiply, ngunit maraming salamat sa pagpaparating sa akin ng mga adhikain ng Magna Kultura. Ito na ata ang matagal ko ng hinahanap.
Ang ating sining at kultura ay ilan sa mga nalalabi nating kayamanan. Sa panahon ngayon na halos lahat ng Pilipino ay nawawalan na ng pag-asa sa pag-unlad sa iba't ibang aspekto ng buhay- ang ating natatanging sining at kultura ay nariyan lamang- mayroon pa tayong kayamanan! At kung ang kayamanang ito ay magagamit nang maigi at hindi aabusuhin, hindi malayong umunlad tayo, kahit paunti-unti lamang. Marahil sasabihin ng ilan, "Paano ka makakagawa ng malikhaing obra, kung walang laman ang iyong tiyan?" O di kaya naman ay, "Mas gugustuhin ba ng masang Pilipino manood ng isang dula kaysa sa Wowowee?" Ito ang mga katanungang nais tugunan ng Magna Kultura- ayon sa aking pagkakaintindi.
Nais ko sanang maging bahagi nito at ang pagpaparating sa inyo ng kanilang mga proyekto ay ang aking paraan upang makiisa.
Para sa mga naniniwalang may pag-asa pa tayong mga Pilipino sa pamamagitan ng ating sining at kultura, bisitahin niyo ito:
http://asiancenter.multiply.com/journal/item/103/TAKING_ARTS_AT_THE_GRASSROOTS_OF_SOCIETY_._._._THE_ART_OF_THE_START.
No comments:
Post a Comment