(Muling ipinarating sa iyo, sa pamamagitan ng eroplanong papel...eroplanong papel na natutunan kung gawin dahil sa turo mo. Ang mga katagang ito, ay kasama mong lilipad...saan ka man mapadpad...)
Minsan sa buhay natin ay may mga tao tayong nakakasalamuha na nagpapasaya sa atin at nagpapagaan ng ating buhay. Ang tagal ko nang gustong sumulat tungkol sa taong ito, isang taong may mga katangian na nabanggit ko kanina…itago na lang natin siya sa pangalang Superman. Nais ko siyang ipakilala sa pamamagitan ng isang liham…liham para sa kanya, na hindi ko alam kung mababasa niya o hindi. Gayunpaman, akin na itong sisimulan…
Dear Superman,
Nais kong malaman mo na maraming bagay kang nagawa na nagpasaya sa akin, nagpaiyak sa akin, nagturo sa akin ng iba’t ibang kaalaman, nagpainis sa akin, nagmulat sa akin…kaya nga ikaw si Superman eh…kasi marami kang nagawa upang iligtas ako…sa kalungkutan, sa kapahamakan, sa kamang-mangan, sa katamaran, sa pagkabigo at sa lahat-lahat. Inuulit ko, ikaw nga kasi si Superman. Nais kong malaman mo, na ito ang ilan sa mga bagay na hindi ko malilimutan sa iyo…
1. Noong kinakarga mo kami ni Papirus (noong magaan pa kami) sa likod mo habang bumababa tayo ng hagdan.
2. Noong nagpupunta tayo ng Fiesta Carnival sa Cubao tuwing Sabado. Ang sinasakyan pa natin noon ay Love Bus…at lagi niyong inuulit sa akin, na kahit dati pang hindi pa ako lubos nakakalakad ay kanta ako ng kanta ng Bahay Kubo at The Greatest Love of All sa Love Bus.
3. Noong kinakamot mo ang aking talampakan dahil nakakatihan ako. Kahit siguro madumi ito noon ay kinamot mo pa rin… Maganda ang naidulot nito, dahil wala na akong kiliti ngayon sa talampkan.
4. Noong matindi mong ipinagbabawal ang ice scramble na gustung-gusto ko bilhin…pero wala ka pa ring nagawa. Nagwagi ako. Hanggang ngayon na gusto ko pa rin ng isaw at inihaw na hotdog sa may tulay, ay makakabili pa rin ako.
5. Noong binibili mo ako ng Yakult sa aleng naka-checkered na uniform at may tulak-tulak na kariton ng Yakult sa labas ng simbahan pagkatapos ng misa. Nasaan na kaya yun, gusto ko pa naman ang blue niyang sumbrero.
6. Noong nagb-bus tayo patungong Tanauan at bibili tayo ng itlog ng pugo at shing-aling. Hanggang ngayon ay nangyayari pa rin iyon, lalo na kapag matagal ang biyahe.
7. Noong tinuruan mo ako kung paano ang tamang pagsipilyo ng ngipin. Dapat ay pataas-baba at hindi paikot-ikot lang.
8. Ang pagbabawal mo sa paggamit ko nga toothpick dahil baka magkauka-uka ang ngipin ko pero maya-maya ikaw naman ang gagamit nito. Nagwagi ka dito Superman.
9. Noong tinanggal mo ang buhol ng sintas ng rubber shoes ko dahil hindi pa ako marunong magtali. Ginupit mo na lang ata yun dahil sobra ang pagkakabuhol ko.
10. Ang Andok’s Litson Manok na iyong bibilhin upang pagsaluhan sa hapunan kapag may honor ako sa school. Yun ang pinkamasaya pag honor student ka. Ang bango kaya nung litson manok.
11. Ang pagpilit ko sa iyo na painumin ako ng San Miguel Beer.
12. Ang tanging alam mong kuwentong pambata na hindi mo namamalayang nakuwento mo na sa amin ni Papirus ng paulit-ulit ay ang Alamat ng Pagong at ng Matsing.
13. Ang tanging babaeng artistang kilala mo dati ay si Gretchen Barreto. Crush mo ata yun dati.
14. Ang pagsundo at paghatid mo sa akin sa school (high school at college), na inakala ng lahat ay matatapos na pag graduate ko, pero hindi pala.
15. Para matutunan naming magsumikap sa buhay, ang laging kuwento mo "Dati nung kami ang nag-aaral ay naka-apak lamang kami at bayong ang bag."
16. Ang pagsusumikap mo na makatapos ng pag-aaral, sa edad na 29 dahil nagtatrabaho ka din. Janitor ka noon sa opisinang iyon, at ngayon ay Sales and Service Head ka na. Napakasipag mo Superman.
17. Ang pagluluto mo ay ang tanging paborito ko. Panalo ang mga sinangag mo Superman. Bahaw noong umaga, sa hapunan ay pang-piyesta na. Hainan man ako ng ibang pagkain, ang sinangag mo ang aking uunahin…hehe…siyempre kakain din ako nung iba.
18. Ang pagiging "punctual" mo sa lahat ng bagay ay hindi matatawaran. Iyan ang isa sa mga bagay na natutunan ko sa iyo.
19. Ang pagpayag mo sa mga hiling ko, kunwari pag aalis at magpapahatid kami…malakas ako sa iyo eh.
Hmm…medyo mahaba-haba na ito ah. Marami pang mga bagay ang nais kong sabihin sa iyo Superman. Ikaw ang nagsilbing inspirasyon sa amin. Sabihin man nila na wala kang diskarte…hmp…mamatay na sila. Mabubuhay ka ata kahit saan ka ilagay, dahil ikaw ay mapamaraan at marunong makisama sa iba. Maraming salamat…maraming maraming salamat.
Sa darating na Araw ng mga Ama, ipprint ko na lang siguro ito at iaabot kay Superman.
No comments:
Post a Comment